Lunes, Abril 22, 2013

Sa Malamig na Sahig

inilapat ko ang aking likod
sa magaspang at malamig
na sementadong sahig
upang makabitaw man lang kahit saglit
sa kuba nang likuran
pumapasang init.

subukin ko rin kayang dumapa?
butuhang dibdib naman ang bigyan ng ginhawa
makapalag at makatakas man lang pansamantala
sa gumagapos na init
patungo sa inaasam na lamig
nitong sahig.

ngunit, hindi pa rin marahil lalamig
dibdib sa pagitan ng nagkikiskisang poot, lungkot, pagkaligalig
nangyari na bang naapula ng lamig
apoy ng nakatutupok na katotohanang hindi masaid-said?

gayunpaman, sinubukan ko pa ring dumapa
inihalik ang dibdib
sa magaspang at malamig na sahig
lumalamong apoy sa dibdib nawala ngang bigla
nagbanyuhay naman
bilang basang luha't tuyong hika.

Huwebes, Pebrero 21, 2013

Minsan, May Tula


minsan, may tula
naisulat ngunit hindi nailathala
ng isang makata.
Tulang nanahan
sa tikom niyang damdamin
kaya marahil
ni isang taludtod
hindi niya kayang bigkasin.

Panahon ang sumulat ng
natatagong tula--
mula sa mga gunitang
salita lamang noong una,
naging taludtod mula noon,
naging saknong nang lumaon
at tuluyang naging tula
sa tagal ng panahon.
                    Mga kupas na ngiti
                                              sa lukot na larawan ng kahapon.
Ikinahon
                     sa nilulumot nang baul.
ibinaon.

minsan, may tula
sinulat nang minsang nagalak.
Tulang nakatarak, itinarak
sa pusong tumibok, nagpatibok
sa tagong damdamin ng iba o ng
kapwa makata.
Palarang liham at bulaklak
                                ng lihim na pagsinta
saka-kapit-bisignakasama.
                                                     Ibinulsa
sa kaliwang dibdib ng pulang polong
                                                    kupas sa kasusuot at kalalaba.

minsan, may tula
sinulat nang minsang nanabik
sa hindi makuha-kuhang laman.
Tulang inipon, ipinutok
ng pusong nagpasirit, nagpaputok
ng malapot na pag-ibig
                          sa pinaglalawayang katawan
ng alindog at libog
                                                   ipinutok
sa mangitimngitim na puting kumot
                                       na amoy pawis at zonrox.

minsan, may tula
nakayapak o nakatsinelas
may kamao, nakataas.
Tulang tinig
ng mga walang tinig
sumisigaw, umaalingawngaw
sa lunsod o kanayunan.
Tulang bumabantas
                                 sa mabatong landas
nadadapa man o nadudulas
tumatayo nang
                                 buong lakas.
Liham ng pulang pagsinta
                              sinulat sa mga plakard at bandera
                              gamit ay itim at pulang pintura.
Sumisigaw
                               sa langit ng tuyong lupang
                                               napaghaharian ng uring mapagsamantala.


minsan, may tula
minsan, may tumutula
minsan, ikaw ang may tula
minsan,
ikaw ang tula.

Miyerkules, Enero 23, 2013

Lamig at Init ng Balang Tumama sa Batang si Stephanie

Malamig.
Singlamig ng balang
idinura
ng malamig ding baril
kaluluwa't damdamin
ng baliw sa baril
na nagpaputok
sa langit ng pag-aagawan ng liwanag at dilim
tumama
sa musmos niyang katawan
pumutol
sa paglalaro niya ng habulan at taguan
at humatol
sa sumisibol pa lang niyang kabataan.

Mainit.
Sing-init ng balang
ipinutok
ng baril na nag-init, umusok
luhang umapaw sa mugtong mata
at gumuhit
sa pisngi ng kanyang mga kaanak at kabata
nagbaga
sa ating kaisipan
nag-alab
sa ating kalooban
at naglagablab
sa ating kamalayan.

Sabado, Nobyembre 24, 2012

Hindi Kayo Makalalagpas


hindi.
hindi sapat na dahilan ang
      pagbahid ng dugo sa inyong balwarte
upang kayo, ang angkan ninyo, ay
      lagpasan ng anghel ng katarungan o ng kamatayan.

oo, nangyari na. tapos na. tatlong taon na nga.
      nagawa ninyo nang mapapula ang inyong lupa.

ngunit

hindi pa kayo nalalagpasan
at hinding hindi kayo malalagpasan

dahil

hindi naman dugo ng tupa o ng kambing ang inyong idinilig
      kung 'di sa mga taong katotohanan ang iniibig!

ilang taon man ang lumipas
wala man kayong lahat sa likod ng mga rehas
      hindi pa rin kayo sa amin
              makalalagpas...

Linggo, Nobyembre 4, 2012

Magtitirik ako ng Puting Kandila


Magtitirik ako ng puting kandila
Sa tapat ng aming pintuan
Upang makita nilang bukas
Munti't madungis naming tahanan.

Magtitirik din ako ng kandila
Sa aming altar
Itatabi sa nakapakong Kristo
at nakangiting Santo NiƱo
Akin pa itong sasamahan
Ng isang platitong pansit at biko
Isang baso ng serbesa
At dalawang sigarilyo.

Magtitirik ako ng kandila
Higit sa lahat
Sa gitna ng mesita
Sa pusod ng aming barungbarong
Upang ilawan ang pagsasaluhan nating
Isang bandehadong pansit
Isang kalderong biko
Isang kahon ng serbesa
At dalawang pakete ng sigarilyo.

"Mga kasama, gawin natin ito bilang pag-alaala
sa mga nauna nating kasama
sa mahabang martsa ng pakikibaka
para sa lupang itong ating sinisinta
na ang pangala'y matagal nang inukit
ng uring mapagsamantala
sa lapida ng pagdurusa!"

Huwebes, Agosto 30, 2012

Hindi Kandila ang Pakikibaka

hindi kandila ang pakikibaka
kandilang sisindihan lamang kapag kailangan
at iiwang nakatirik
sa bumbunan ng mesa
o sa masurot at lumalangitngit na sahig

hindi kandila ang pakikibaka
may apoy man at liwanag
tuwing dilim ay kakagat.
Apoy nito'y madaling mapadala't mapaindak
sa musika ng hangin
at kapag napagod na
siguradong iiyak nang iiyak
malalaking butil ng luha'y tutulo't papatak

hindi kandila ang pakikibaka
na sisindihan lamang kung ang gabi'y kumagat na
sa barongbarong ng dusa!

Araw ang pakikibaka
bituwing nagniningning kahit umaga
sa mga mapanlinlang na lunsod
at mapang-aliping mga asyenda
liwanag nito'y nagbibigay-init
sa mga katawang nilalamig
init nito'y nagbibigay lakas
sa mga sumisiklab na pag-aaklas.

araw-araw may Araw
araw-araw may pakikibaka
kahit pa gabi'y malalim ang kagat
alam nating pakikibaka'y sisikat at sisikat...

Sabado, Agosto 25, 2012

Maulan ang Araw ng Kalayaan


maulan ang Araw ng kalayaan
yapos-yapos ng abuhing kaulapan
malungkot na araw
malalim ang buntong hininga 
ng nayayamot na habagat
galaw ng mangga, aratiles at ipil-ipil ay mabigat
tila tinatamad
sa pagpapadapo sa mga tarat.

maulan ang Araw ng kalaayaan
may dalang hamog ang hangin
dumarampi ang bawat patak ng ambon
sa makahiya, amorseko't cadena de amor
na tila naliligaw
sa kinagisnan nilang
naninilaw na damuhan.

maulan ang Araw ng kalayaan
mga bubog ang bawat patak
ng luha mula sa malamlam na ulap
humihiwa, bumabaon,sumusugat
sa mga yerong nagnanaknak
kaya tuloy walang tigil sa pag-iyak
uugod-ugod na barongbarong ng pagdadalamhati
pati mga nasisilungan nitong
sa malamig na lugaw ay naghahati-hati.

maulan ang Araw ng kalayaan
umiiyak ang kalangitan
hagulgol ang mga kulog
mula sa mga ulap na nadarabog
luha ng pagdadalamhati ang ulang idinidilig
sa lupang tinuyo't tinigang
sa hustisya.

oo, maulan ang araw ng kalayaan
taong-taong pagluluksa
sa daantaong kasinungalingan
ngunit hindi laging abuhin ang kaulapan
hindi laging may luha sa mga ligaw na bulaklak
sisikat rin ang araw ating natitiyak
at magsasabog ng pulang liwanag!