Sabado, Agosto 25, 2012

Maulan ang Araw ng Kalayaan


maulan ang Araw ng kalayaan
yapos-yapos ng abuhing kaulapan
malungkot na araw
malalim ang buntong hininga 
ng nayayamot na habagat
galaw ng mangga, aratiles at ipil-ipil ay mabigat
tila tinatamad
sa pagpapadapo sa mga tarat.

maulan ang Araw ng kalaayaan
may dalang hamog ang hangin
dumarampi ang bawat patak ng ambon
sa makahiya, amorseko't cadena de amor
na tila naliligaw
sa kinagisnan nilang
naninilaw na damuhan.

maulan ang Araw ng kalayaan
mga bubog ang bawat patak
ng luha mula sa malamlam na ulap
humihiwa, bumabaon,sumusugat
sa mga yerong nagnanaknak
kaya tuloy walang tigil sa pag-iyak
uugod-ugod na barongbarong ng pagdadalamhati
pati mga nasisilungan nitong
sa malamig na lugaw ay naghahati-hati.

maulan ang Araw ng kalayaan
umiiyak ang kalangitan
hagulgol ang mga kulog
mula sa mga ulap na nadarabog
luha ng pagdadalamhati ang ulang idinidilig
sa lupang tinuyo't tinigang
sa hustisya.

oo, maulan ang araw ng kalayaan
taong-taong pagluluksa
sa daantaong kasinungalingan
ngunit hindi laging abuhin ang kaulapan
hindi laging may luha sa mga ligaw na bulaklak
sisikat rin ang araw ating natitiyak
at magsasabog ng pulang liwanag!

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento