sa pagsibol ng araw
sa malawak na taniman
ng bungang
kapiling tuwing agahan
nagsisismula kanilang pagsuyo
gamit ang butuhan nang kalamnan
brasong wala nang laman
at hapo nang mga katawan
sige lang sa pagsuyo
kahit hangin lang ang almusal
at kaunting pag-inat ng katawan
kanilang kahandaan
sa maghapong patayan
sa malawak na taniman ng kape
na tanging kapalit
kaunting pahinga sa gabi.
mula sa pagpitas ng mga buto
na kumukumpleto sa agahan ng iba
hanggang sa pagsako
at pagkarga ng mga ito
sa ibang bunganga at sikmura
ay katumbas
sandangkal na kalyo
sa talampakan at palad
pahirap na rayuma
hapung-hapong katawan
mula ulo hanggang talampakan
at makakating ubo sa gabi...
pinulbos na dugo lang ang kape.
sumisirit iyon
mula sa mga nagpuputukang ugat
ng nangamaga nang mga binti
payat na braso at butuhang kalamnan
ng mga alipin
sa malawak na taniman.
bumubulwak iyon
sa kuba nang likod
na halos hindi na haplusin
ng sariwang hangin
at sa maingay na sikmura
na inulila na
ng tuyo at lugaw
o bahaw na tubig-asin ang sabaw.
humahalo at sumasama iyon
sa malagkit at mangitim-ngitim na plema
ng bawat ubong makakati
sa mapang-uulilang gabi
dahil sa natuyong galong-galong pawis
sa butuhang kalamnan
lalo na
sa kuba nang likuran.
pinulbos na dugo ang kape
hinding-hindi maitatanggi
dugo at dugo pa rin ito
mamahaling krema man ang ihalo.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento