Sabado, Agosto 25, 2012

Asukal


Wala nang mas tatamis pa
Sa asukal na nagmumula
Sa malusog na balat ng luisita
Na pinatatamis pa nga
Ng matinding pagsuyo't pagsinta
Para sa mga gusgusing mga bunso
At marusing na asawa
Ng mga sakada't magsasaka
Na maghapong bilad
Sa pawis ay babad
Sunog at malibag ang balat
At makakalyo mga talampakan at palad.

Matamis ang asukal
Lalo na kapag pula
Na nagmumula sa luisita.
Dugong kinakatas at pinipiga
Ng mga nananakal na kamay
Sa butuhang kalamnan
Kuba nang likuran
Buto't balat na mga braso
Nanginginig na mga hita
Sunog at malibag na balat
At maingay na sikmura
Ng mga maghapong bilad
Sa pawis ay babad
Na mga sakada't magsasaka.

Pawis na tumatagaktak
Sa agnas nang mga katawan ng mga alipin sa luisita
Dugong pumapatak
Sa lupang tuyo at uhaw sa hustisya.

Mga aliping bangkay ay laylay dilang kumakayod
Sa maghapong pasakit at pagod
Sa mga nananakal na kamay ng mga puti at singkit
Na walang ginawa
Kundi  humalakhak at mangutya
Umupo at magpataba
Ng bulsa at sikmura
Habang pinanonood
Silang nagmumudmod
Sa karampot at baryang sahod.

Wala nang mas tatamis pa
Sa asukal na nagmumula
Sa malusog na balat ng luisita
At ito'y mas tatamis pa
Sa sandaling kumislap
Tabak ng hustisya.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento