kapatid ko'y ngumangawa
sa aking ina'y nagmamakaawa
bilhan siya ng gatas na pinapangarap
na sa dyaryo lang niya nalalasap.
hindi magkandaugaga aking ina
paano kaya mabibili ang isang lata
gatas na inaasam-asam ng kapatid
na sa palagay ko'y linggong gutom ang kapalit.
ngunit kapatid ko'y sadyang mapilit
kahit si ita'y kanya nang kinulit
"biyi no nia ko niun, 'tay!" kanyang pakiusap
"putris!", kasagutang natanggap.
narindi na ko sa kanyang pangungulit
pinipilit ang kailanma'y 'di niya makakamit
umisip na lamang ako ng paraan
upang nais niya ay mapagbigyan.
tumayo ako
sa kusina tumungo
dumakot ng bigas
dinurog at sinaing
kumulo
kinuha ang sabaw
isinalin, ipinalamig
sa tsupon ng madungis na kapatid.
"eto na'ng NIDO mong gago ka!" abot ko sa kanya
lokong iyon, dinura lang paraang aking ginawa
alam na hindi NIDO nakasalpak sa bunganga
alam na NIDOrog na bigas nanaman kanyang nginangata.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento