Sabado, Nobyembre 24, 2012

Hindi Kayo Makalalagpas


hindi.
hindi sapat na dahilan ang
      pagbahid ng dugo sa inyong balwarte
upang kayo, ang angkan ninyo, ay
      lagpasan ng anghel ng katarungan o ng kamatayan.

oo, nangyari na. tapos na. tatlong taon na nga.
      nagawa ninyo nang mapapula ang inyong lupa.

ngunit

hindi pa kayo nalalagpasan
at hinding hindi kayo malalagpasan

dahil

hindi naman dugo ng tupa o ng kambing ang inyong idinilig
      kung 'di sa mga taong katotohanan ang iniibig!

ilang taon man ang lumipas
wala man kayong lahat sa likod ng mga rehas
      hindi pa rin kayo sa amin
              makalalagpas...

Linggo, Nobyembre 4, 2012

Magtitirik ako ng Puting Kandila


Magtitirik ako ng puting kandila
Sa tapat ng aming pintuan
Upang makita nilang bukas
Munti't madungis naming tahanan.

Magtitirik din ako ng kandila
Sa aming altar
Itatabi sa nakapakong Kristo
at nakangiting Santo NiƱo
Akin pa itong sasamahan
Ng isang platitong pansit at biko
Isang baso ng serbesa
At dalawang sigarilyo.

Magtitirik ako ng kandila
Higit sa lahat
Sa gitna ng mesita
Sa pusod ng aming barungbarong
Upang ilawan ang pagsasaluhan nating
Isang bandehadong pansit
Isang kalderong biko
Isang kahon ng serbesa
At dalawang pakete ng sigarilyo.

"Mga kasama, gawin natin ito bilang pag-alaala
sa mga nauna nating kasama
sa mahabang martsa ng pakikibaka
para sa lupang itong ating sinisinta
na ang pangala'y matagal nang inukit
ng uring mapagsamantala
sa lapida ng pagdurusa!"

Huwebes, Agosto 30, 2012

Hindi Kandila ang Pakikibaka

hindi kandila ang pakikibaka
kandilang sisindihan lamang kapag kailangan
at iiwang nakatirik
sa bumbunan ng mesa
o sa masurot at lumalangitngit na sahig

hindi kandila ang pakikibaka
may apoy man at liwanag
tuwing dilim ay kakagat.
Apoy nito'y madaling mapadala't mapaindak
sa musika ng hangin
at kapag napagod na
siguradong iiyak nang iiyak
malalaking butil ng luha'y tutulo't papatak

hindi kandila ang pakikibaka
na sisindihan lamang kung ang gabi'y kumagat na
sa barongbarong ng dusa!

Araw ang pakikibaka
bituwing nagniningning kahit umaga
sa mga mapanlinlang na lunsod
at mapang-aliping mga asyenda
liwanag nito'y nagbibigay-init
sa mga katawang nilalamig
init nito'y nagbibigay lakas
sa mga sumisiklab na pag-aaklas.

araw-araw may Araw
araw-araw may pakikibaka
kahit pa gabi'y malalim ang kagat
alam nating pakikibaka'y sisikat at sisikat...

Sabado, Agosto 25, 2012

Maulan ang Araw ng Kalayaan


maulan ang Araw ng kalayaan
yapos-yapos ng abuhing kaulapan
malungkot na araw
malalim ang buntong hininga 
ng nayayamot na habagat
galaw ng mangga, aratiles at ipil-ipil ay mabigat
tila tinatamad
sa pagpapadapo sa mga tarat.

maulan ang Araw ng kalaayaan
may dalang hamog ang hangin
dumarampi ang bawat patak ng ambon
sa makahiya, amorseko't cadena de amor
na tila naliligaw
sa kinagisnan nilang
naninilaw na damuhan.

maulan ang Araw ng kalayaan
mga bubog ang bawat patak
ng luha mula sa malamlam na ulap
humihiwa, bumabaon,sumusugat
sa mga yerong nagnanaknak
kaya tuloy walang tigil sa pag-iyak
uugod-ugod na barongbarong ng pagdadalamhati
pati mga nasisilungan nitong
sa malamig na lugaw ay naghahati-hati.

maulan ang Araw ng kalayaan
umiiyak ang kalangitan
hagulgol ang mga kulog
mula sa mga ulap na nadarabog
luha ng pagdadalamhati ang ulang idinidilig
sa lupang tinuyo't tinigang
sa hustisya.

oo, maulan ang araw ng kalayaan
taong-taong pagluluksa
sa daantaong kasinungalingan
ngunit hindi laging abuhin ang kaulapan
hindi laging may luha sa mga ligaw na bulaklak
sisikat rin ang araw ating natitiyak
at magsasabog ng pulang liwanag!

Dispalinghado (na lang sana ako)


bingi na lang sana ako
nang tahimik ang aking mundo.
walang kalam na maririnig
sa mga butas na mga sikmura
ng mga makakalyo ang talampakan at palad
maiitim at malamlam ang mga mata
humpak ang mga pisngi
sunog ang balat
kuba ang likuran, butuhan ang kalamnan
at basahan ang kabuuan
na karaniwan na lamang sa mga asyenda at pabrika
ng lupang itong tuyo't uhaw sa hamog ng hustisya.

kung bingi ako, hindi ko rin maririnig
mga naghihingalong tinig
ng uring api.
mga malungkot na melodya
at mga sonata ng pagdurusa
sa bawat hagulgol ng mga ulap
sa bawat malungkot na sipol ng Amihan
sa gitna ng abuhing langit
at sa bawat luha
ng mga amorseko't makahiya.
kanilang panalangin
kina Allah, Yaweh, at Bathala
maging sa mga santo't santa:
"O, Diyos ko! O, Diyos ko!
Tulungan po ninyo ako!"

bulag na lang sana ako
madilim rin naman ang aking paligid
wala pa siguro akong
masasamang panaginip.
hindi ko makikita, masisilayan o maaninag man lang kaya
mga may hapis na mukha; madungis at tulala
sa bawat kanto ng kapalaran
sa bawat asyenda ng kaalipinan
ng lupang itong tuyo't bitak
kulay kalawang ng tabak
at ni hamog ata ng hustisya'y hindi na papatak.
hindi ko rin siguro makikita
pagguhit ng luha sa kanilang mukha
habang nagtitiyaga
sa ilalim ng agnas na bubong
sa langitngit ng masurot na papag
sa gaserang madilim ang ilaw
sa suot nilang basahan
sa barongbarong nilang buhay
at sa iyak ng madungis at payat nilang anak.

oo, bulag na lang sana ako
nang hindi ko na nakita ang aking anino
at malamang ito rin ang kulay
ng mundong ginagalawan ko!

...

ngunit, hindi pa ako nahihibang
hindi pa ako hibang upang
barhan ng bala ang aking tenga
at dukutin ang aking mata!

gustong gusto ko pa ring masaksihan
mga martsa ng pakikibaka
ng mga maaalikabok, makakalyo, maaalipunga
at biak-biak na mga paa ng uring masa!
kanilang sigaw ay umaalingawngaw
sa mga kalye, plasa at asyenda
tambuling hudyat sa pagkakalas ng mga alipin
sa malalim na kagat ng dilim!
oo, gustong gusto kong masaksihan
mga nakatindig na kamao
at mga pulang bandilang sumasayaw
sa bawat sipol ng hangin at mga sigaw!
may anyayang lumipad at gumalugad
sa mababahong eskinita
sa malalawak na asyenda
sa mga ginintuang kapatagan
at masusukal na kagubatan
upang husitisya ay hanapin
halikan at yakapin
upang ito 'y tuluyang makapiling
sa pagkislap ng mga tabak
at pagsabog ng pulang liwanag
sa lupang itong tuyo't bitak
habang namumukadkad ang mga ligaw na damo
at mga bulaklak!

Makulimlim ang aking Gabi (pasintabi po sa "Makulimlim ang aking Enero" na pamagat ng akda ni Sir Rogelio OrdoƱez)

Makulimlim ang aking gabi
malamig ang sipol ng Amihan
may kaunting luha ang kalangitan
na durampi
sa mga amorseko, cadena de amor
at makahiya.
Gapos-gapos ng mga ulap
mga bituin
walang kutitap, walang ningning
abuhing dilim na kumukumot
sa kaparangan at looban
habang binabanatayan ng mayuming buwan
kaming nasa ilalim ng agnas na yero
sa ibabaw ng gulanit na karton-banig
at sa loob ng marusing na barongbarong
ng pagtitiis.

Asukal


Wala nang mas tatamis pa
Sa asukal na nagmumula
Sa malusog na balat ng luisita
Na pinatatamis pa nga
Ng matinding pagsuyo't pagsinta
Para sa mga gusgusing mga bunso
At marusing na asawa
Ng mga sakada't magsasaka
Na maghapong bilad
Sa pawis ay babad
Sunog at malibag ang balat
At makakalyo mga talampakan at palad.

Matamis ang asukal
Lalo na kapag pula
Na nagmumula sa luisita.
Dugong kinakatas at pinipiga
Ng mga nananakal na kamay
Sa butuhang kalamnan
Kuba nang likuran
Buto't balat na mga braso
Nanginginig na mga hita
Sunog at malibag na balat
At maingay na sikmura
Ng mga maghapong bilad
Sa pawis ay babad
Na mga sakada't magsasaka.

Pawis na tumatagaktak
Sa agnas nang mga katawan ng mga alipin sa luisita
Dugong pumapatak
Sa lupang tuyo at uhaw sa hustisya.

Mga aliping bangkay ay laylay dilang kumakayod
Sa maghapong pasakit at pagod
Sa mga nananakal na kamay ng mga puti at singkit
Na walang ginawa
Kundi  humalakhak at mangutya
Umupo at magpataba
Ng bulsa at sikmura
Habang pinanonood
Silang nagmumudmod
Sa karampot at baryang sahod.

Wala nang mas tatamis pa
Sa asukal na nagmumula
Sa malusog na balat ng luisita
At ito'y mas tatamis pa
Sa sandaling kumislap
Tabak ng hustisya.

Nang Magtimpla Ako ng Gatas at Kape

ginising ako ng bati ng araw at bulyaw ng manok
nagmuta muna at nagkamot sa tuktok
luminga-linga sabay bumuntong hinihga
maaga nanaman umalis sina ina at ama.

maitim na kaldero'y iniipit-ipit
palarang pasilipsilip
"bantayan mo si Utoy, ha? May bigas pa.
Magkape ka na lang muna ngayong umaga."

tinimplahan ko muna ng gatas si Bunso
sa tsupon niyang medyo mabaho
sakto lang pala ang aking pagtimpla
si Bunso'y gising na pala.

sinuso ni Bunso ang tsupon
niyuyuyog ang duyang may saping karton
tinitigan ko kabuuan niyang payat
bigla kong naalala aking inang nangangayayat.

ilang taon na rin pala nagtatrabaho si ina
sa kompanya ng gatas, kape, at iba pa
maraming uri na ng produkto kanyang naikarton
pinapangarap na dumaan man lang sa amin isa man doon.

Umiling na lang ako at sa kusina muli tumungo
kumuha ng kape at itimpla sa baso
tinitigan ito habang hinahalo
naalala ko naman, ama kong hapong-hapo.

nagkandakuba-kuba na aking ama
sa kompanyang pinapasukan rin ni ina
sako-sakong kape ang pumapasan sa kanyang likuran
katumbas ay matigas at makating plema sa kalamnan.

maraming umaga na rin pala silang wala
maraming almusal na rin ang hindi naihanda
halos araw-araw na pala kaming ulila
sa magulang na matagal nang inaalila.

Pinulbos na Dugo lang ang Kape


sa pagsibol ng araw
sa malawak na taniman
ng bungang
kapiling tuwing agahan
nagsisismula kanilang pagsuyo
gamit ang butuhan nang kalamnan
brasong wala nang laman
at hapo nang mga katawan
sige lang sa pagsuyo
kahit hangin lang ang almusal
at kaunting pag-inat ng katawan
kanilang kahandaan
sa maghapong patayan
sa malawak na taniman ng kape
na tanging kapalit
kaunting pahinga sa gabi.

mula sa pagpitas ng mga buto
na kumukumpleto sa agahan ng iba
hanggang sa pagsako
at pagkarga ng mga ito
sa ibang bunganga at sikmura
ay katumbas
sandangkal na kalyo
sa talampakan at palad
pahirap na rayuma
hapung-hapong katawan
mula ulo hanggang talampakan
at makakating ubo sa gabi...

pinulbos na dugo lang ang kape.

sumisirit iyon
mula sa mga nagpuputukang ugat
ng nangamaga nang mga binti
payat na braso at butuhang kalamnan
ng mga alipin
sa malawak na taniman.

bumubulwak iyon
sa kuba nang likod
na halos hindi na haplusin
ng sariwang hangin
at sa maingay na sikmura
na inulila na
ng tuyo at lugaw
o bahaw na tubig-asin ang sabaw.

humahalo at sumasama iyon
sa malagkit at mangitim-ngitim na plema
ng bawat ubong makakati
sa mapang-uulilang gabi
dahil sa natuyong galong-galong pawis
sa butuhang kalamnan
lalo na
sa kuba nang likuran.


pinulbos na dugo ang kape
hinding-hindi maitatanggi
dugo at dugo pa rin ito
mamahaling krema man ang ihalo.

Nido


kapatid ko'y ngumangawa
sa aking ina'y nagmamakaawa
bilhan siya ng gatas na pinapangarap
na sa dyaryo lang niya nalalasap.

hindi magkandaugaga aking ina
paano kaya mabibili ang isang lata
gatas na inaasam-asam ng kapatid
na sa palagay ko'y linggong gutom ang kapalit.

ngunit kapatid ko'y sadyang mapilit
kahit si ita'y kanya nang kinulit
"biyi no nia ko niun, 'tay!" kanyang pakiusap
"putris!", kasagutang natanggap.

narindi na ko sa kanyang pangungulit
pinipilit ang kailanma'y 'di niya makakamit
umisip na lamang ako ng  paraan
upang nais niya ay mapagbigyan.

tumayo ako
sa kusina tumungo
dumakot ng bigas
dinurog at sinaing
kumulo
kinuha ang sabaw
isinalin, ipinalamig
sa tsupon ng madungis na kapatid.

"eto na'ng NIDO mong gago ka!" abot ko sa kanya
lokong iyon, dinura lang paraang aking ginawa
alam na hindi NIDO nakasalpak sa bunganga
alam na NIDOrog na bigas nanaman kanyang nginangata.

Sa aking Inang Pinuta ng mga Anak ng Puta


hayaang pumatak ang luha
hayaang mamaga ang mata
hayaang maghagulgol
Ina, malapit na ang panahon.

sa inyong pagluha hindi ko kayo pipigilan
hihintayin ko lamang tumila iyan
at hihintayin ko ang inyong pagtayo at paglaban
panonoorin ko kung paano ninyo naman sila pahihirapan.

sa mahabang panahong may piring inyong mata
sa mahabang panahong sakal inyong sikmura
sa mahabang panahon ng sugat, peklat, at pasa
pahanon na, Ina, upang bawian sila.

panahon na upang
kaladkarin sila
sa malalawak na hacienda
iupo sa silya-elektrika
ikadena mga kamay at paa
at hambalusin ng dos por dos at bareta

mudmurin
sa punong-taeng inodoro
lunurin
sa drum ng kanin-baboy
saka ipakain lahat sa kanila
at painumin
galon-galong ihi
mula sa arinola

huwag titigilan.huwag na huwag ninyo titigilan
palobohin ng husto kanilang tiyan
mas mainam kung sasabayan
ng suntok, hambalos, hagupit, at paso sa katawan

hayaang umagos kanilang luha
hayaang mamaga kanilang katawan at mukha
hayaan sila sa pagmamakaawa
magpatuloy lang sa inyong ginagawa.

at kapag lumobo na nang husto
kanilang tiyan
bunutin ang karit,
iturok ng dahan-dahan
ibaon nang malalim,
hanggang sa laman-laman
biglang hugutin,
hayaang bumulwak
kanilang mga kasalanan

hayaang mamaga ang mata
sa matinding hirap at dusa
aking Ina, malapit na ang panahon
ng iyong masidhing pagbangon!

Nang Mangamba si Buknoy


"Pa'no na?"
Tanong ko kay amo
Tumaas na naman kasi
Presyo ng krudo
Ayon sa dyaryong nabasa ko.

"Ewan ko."
Tugon niya
Nakatiim ang bagang
Nakasara ang kamao
May gigil sa mukha

"Sa'n ka?"
Sabi ko
Pagkatayo niya
Sa pagkakaupo

"Kunin ko ang susi
sama kita
pero hindi tayo
ngayon papasada."

Hindi na ko tumugon
wala nang tanong-tanong
Hinayaan ko na lang
na ako ay kanyang paandarin
Hindi na ko nag-isip
kung saan niya ako dadalhin.

Basta ang alam ko
May mga plakard siyang dala
Ilang yardang tela
Ilang kulay ng pintura
At gigil na mukha.