ginising ako ng bati ng araw at bulyaw ng manok
nagmuta muna at nagkamot sa tuktok
luminga-linga sabay bumuntong hinihga
maaga nanaman umalis sina ina at ama.
maitim na kaldero'y iniipit-ipit
palarang pasilipsilip
"bantayan mo si Utoy, ha? May bigas pa.
Magkape ka na lang muna ngayong umaga."
tinimplahan ko muna ng gatas si Bunso
sa tsupon niyang medyo mabaho
sakto lang pala ang aking pagtimpla
si Bunso'y gising na pala.
sinuso ni Bunso ang tsupon
niyuyuyog ang duyang may saping karton
tinitigan ko kabuuan niyang payat
bigla kong naalala aking inang nangangayayat.
ilang taon na rin pala nagtatrabaho si ina
sa kompanya ng gatas, kape, at iba pa
maraming uri na ng produkto kanyang naikarton
pinapangarap na dumaan man lang sa amin isa man doon.
Umiling na lang ako at sa kusina muli tumungo
kumuha ng kape at itimpla sa baso
tinitigan ito habang hinahalo
naalala ko naman, ama kong hapong-hapo.
nagkandakuba-kuba na aking ama
sa kompanyang pinapasukan rin ni ina
sako-sakong kape ang pumapasan sa kanyang likuran
katumbas ay matigas at makating plema sa kalamnan.
maraming umaga na rin pala silang wala
maraming almusal na rin ang hindi naihanda
halos araw-araw na pala kaming ulila
sa magulang na matagal nang inaalila.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento